sa dalawang gabi…

Posted on September 18, 2009 by hitwoman.
Categories: to me who is concerned:.

 

nung nakilala kita, di man lang sumagi sa isip ko na aabot sa ganito ang lahat. nuon, ikaw ay pampalipas oras lamang. kasama ko kung ako’y nag-iisa. kapiling kapag malamig ang gabi. tagapag pamanhid ng utak na pagod. tagapag paaliw sa pusong malungkot.

masaya kang kasama. nailalabas ko kung ano talaga ako. nararamdaman kong kaya kong gawin ang lahat pag magkasama tayo. napapatawa mo ako. napapa ngiti ng maganda. napapa kagat labi.

unti unti, nagiging bahagi ka na ng araw-araw ko. unti unti, hindi ko na kayang wala ka sa tabi ko. hanggang sa dumating sa panahong ikaw na lamang ang tangi kong inaasahan. naibigay ko ang lahat sayo. nai depende ko ang lahat ng kakayanan ko sa iyo.

maraming nangyari nung tayo’s magkasama. may masaya. may malungkot. may masarap. may mapait. may napakalungkot.

biglaan, napag pasyahan kong iwanan ka.  iniwanan kita. malalim ang dahilan. marami ang dahilan. pero kung iisipin, simple lang naman eh. kailangan kong iwanan ka dahil ikaw na ang kumu kontrol sa buhay ko. ikaw na ang naging rason ng buhay ko.

umalis ako. malungkot, ngunit magaan ang pakiramdam. sinubukan kong maghanap ng kapalit mo. pero nawalan ako ng gana. sinubukan mo akong hanapin at lapitan muli. pero nagmatigas ako. iniwanan na kita. at ayaw ko nang bumalik pa.

pero bakit nga ba ang panahon ganun? bakit mapaglaro ang tadhana? kahit anong pilit mong tuntunin ang direksyon na nais mo, para bang may tadhana talagang para sa iyo? kahit anong iwas mo, kung para sayo, para sayo.

pinili kong limutin ka. pero di ko inaasahang pipiliin kong balikan ka. sabi ko, isang beses lang. nais ko lang madamang muli ang init mo, isang beses lang, kahit masakit.

isang beses. na nadagdagan pa ng isa pang beses. masarap. masaya. mainit. malamig. napangiti ako uli. napatawa. ngunit di ko akalaing mapapaluha mo ako.

pag gising ko isang umaga pagkatapos nating magsama uli, nagising akong masakit ang puso ko. hindi lang yun, masakit ang ulo ko. hindi ko alam ang gagawin ko sa sarili ko. hindi ko ma kontrol ang mga desisyon ko.

duon ko napag isip isip na hindi tama. oo masarap na balikan ka. pero hindi tama. hindi na ako sanay. hindi ko na kaya.

hindi naging mahirap magdesisyon na muli kang iwanan. at ngayon ay alam kong mukhang mahirap na balikan ka pagdating ng panahon. alam kong may mga pagkakataon na hahanapin ko ang init mo. hahanapin ko ang ligayang dulot mo.

pero hindi na. tama na yung dalawang beses.

ngayon, magpapaalam akong muli sayo.

paalam, ALAK. paalam.

no comments yet.



Leave a comment

Names and email addresses are required (email addresses aren't displayed), url's are optional.

Comments may contain the following xhtml tags:
<a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>